WALANG KATAPUSANG BAKIT?

Naniniwala ka ba na lahat ng bagay na nangyayari sa iyo araw-araw ay isang problema?. Sobrang talino,problema yan. Sobrang shunga, problema yan.Sobrang ganda, problema din yan. Ang hirap kayang maging maganda. Sobrang pangit?, mas lalong problema yan!. Sobrang liit, laki, init, lamig, taas, problema yan!. Sobrang yaman?, naku problema rin yan. Kailan kaya ako hahantong sa punto na ito no? ‘Yong problemahin ang dami ng aking kayamanan?. Biro lang. Sabi sa akin ng isang manunulat na si Eros Atalia, lahat ng bagay sa mundo ay isang problema. Umiikot ang mundo kasama ang suliranin. Gumigising at natutulog tayo na may bitbit na pangitain. Naalala ko tuloy yung mga Badjao doon sa footbridge malapit sa eskwelahang pinapasukan ko. Malayo ang bahay namin sa paaralan kaya’t tumutuloy ako sa munting paupahan doon sa Malolos. Isang araw nagkaroon ako ng 4 hours vacant. Puyat kasi ako nung araw na ‘yon kaya sabi ko sa mga ka-tropa ko, matutulog muna ako. Mauuna na ako sa kanila. Tapos pagdating ko, nakatulog ako.  Alas dos pa yata ang simula ng klase namin no’n. Paggising ko 1:30 na. Nagkukumahog ako. Naghilamos, dali-daling nag-toothbrush. Nagsuklay at gumayak ng bonggang bongga. Madaling lumabas sa tarangkahan ng paupahan. Doon ako dumaan sa shortcut. Isang maliit na eskinita kung saan paglabas ko’y nasa tapat na ako ng Mcdo. Malapit na sa footbridge. Habang dumadaan ako sa tila mini forest na lugar na iyon nagulat ako sa mga tao na naroon. Katulad ng sinabi ko kanina. SOBRANG HIRAP, PROBLEMA YAN!. Habang dumadaan ako nakita ko na nagluluto sila gamit ang tatlong tungkong bato at nanlilimahid sa uling na kaldero. Sosyal pa ang mga ito. Nilagang buto-buto ang ulam. Habang natatanaw ko sila natatakot ako. Sabi ko sa sarili ko, ” Hala may Mangyan, may Mangyan! Naku may Mangyan”. Badjao pala sila.-.-. Habang papalapit ako nang papalapit biglang nagsalita yung isa. Hindi ko naintindihan yung sinabi. Ibang salita kasi. Sabi ko naman sa inyo kanina eh. Sobrang talino, problema yan. Natalo talaga ako nung Badjao doon. Hindi ko kayang sabihin ang salita na ‘yon.
”WFGSOGGDFFS EE” na lang ang gagamitin kong kataga. Nang marinig ko ‘yong sinabi niya napangiti ako. Tumango-tango. Naiintindihan ko naman siya na nagyayaya siyang saluhan ko silang kumain. Ang ginawa ko, inabutan ko na lang siya sila ng kaunting barya. Anong nais kong ipunto? Una sa lahat, napakaraming nagrereklamo sa atin. Bakit ganito?, bakit ganyan?, bakit si Anna may Iphone6, bakit si ganito ang ganda ng bahay samantalang kami’y nakatira malapit sa kanal?. Ang daming bakit. Sabi ko nga sa blog ko “WALANG KATAPUSANG BAKIT”. Hindi ba dapat magpasalamat pa tayo sa kung anong mayroon tayo?. Balik tayo sa mga Badjao na iyon. Batid ko na pinoproblema nila ang araw-araw na pangangailangan nila. Kung saan sila kukuha ng makakain, paano paiinumin ng gatas ang anak niyang maliit, saan sila maliligo, saan dudumi o kung saan matutulog. Samantalang ang mga naghaharing uri naman ay waldas dito, tapon doon. Kapag may lumalapit sa kanilang pulubi todo iwas. Bigyan man nila ng kaunting barya’y mailap pa ang kanilang kamay na dumampi sa nanlilimahid na palad ng naturang palaboy. Ang mundong ito ay puno ng problema. Maging ang sistema ng ating pamahalaan ay may problemang nakaakibat diyan. Mantakin mong aalisin ang asignaturang Filipino sa kolehiyo. Aba, problema yan. May isang kilalang reporter na nagsabing sa Japan na lang daw sana mapunta ang bagyo at huwag na sa atin, aba problema rin yan!.  Ang daming nakasuhan dahil sa pangangamkam ng salapi ng taumbayan aba talagang isang malaking problemang hindi dapat pinalalampas yan. BATASANG 5 pala ha. Sige. Tayo raw ang “BOSS” niya, aba problema yan. Mahirap umasa, mahirap masaktan. Mahirap mapako ang isang pangako. Tumatanda na yata tayong paurong. Nagmumurang kamyas sila Manong.
Walang katapusang bakit diba? Walang katapusan din ata itong isinusulat ko. Nais ko lamang namang bigyan ng munting ebalwasyon ang nakikita ko sa paligid. Nagkaroon tuloy ako ng tanong sa sarili ko. Paano kaya ang pag-iibigan ng mga Badjao sa lansangan? Paano sila naliligo, saan dumudumi. Kung ako ang nasa sitwasyon nila parang ang hirap diba?. Kasinghirap ng pagpapaliwanag kung bakit ang daming korap sa lipunan. Kung bakit lustay dito lustay doon ang peg nila sa buhay. Ang mangako ng pabalang na hanggang ngayon ay hindi natin nararamdaman. Napako na nga yata tulad ng kaso ng mga nagnakaw sa ating bayan. Nakakalungkot hindi na sila trending. Na-pulis na kasi.
Bilang pagtatapos, isa lang naman ang nais ko, ang nais nating lahat. Ang magkaroon nang maayos na buhay. Kung paano natin kakaharapin ang mga unos na dumaraan sa buhay. Kung paano babangon sa nagdaang trahedya kamakalawa.Problema lang daw yan ika ng iba. “TAPAK LANG NANG TAPAK”. Pilipino ka at alam kong hindi naaalis ang ngiti sa labi mo kahit namomroblema ka. Sanay na tayo diyan. HUWAG NA HUWAG LANG TAYONG MAKALILIMOT NA TUMAWAG SA ITAAS. MALAWAK ANG LANGIT PARA SA ATING LAHAT.

PS:Binasa mo ito? PROBLEMA YAN! HINDI MO BINASA?PROBLEMA Yan. Napakahaba nito. Problema ko na yan.Hindi biro ang magsulat. HAHA

Leave a comment