Tatlong Tula

Huling Sandali 

(Pag-ibig)

Kung papipiliin man ako ng lugar
ng aking kapahingahan,
pipiliin kong manatili
sa iyong mga bisig.
Nais kong ipaghele mo akong muli,
Nais kong muling marinig ang Oyayi
mula sa malambing mong tinig,
habang malaya mong hinahaplos
at pinagmamasdan ang aking mukha
na dalawang dekada na ang itinanda.
Kung papipiliin man ako ng lugar
ng aking kapahingahan,
pipiliin kong manatili
sa iyong mga bisig.
Nais kong marinig muli
ang kuwento ni Pagong at Matsing
Ni Inang ibon at inakay,
Kung bakit matalino si Kokoy Unggoy.
Nais kong muling marinig ang ‘yong mga salaysay
Kung tunay ba ang mga tiyanak, duwende at aswang.
Kung totoo bang may tikbalang sa tapat ng bahay.
‘pagkat nais kong mulik ibalik ang aking musmos na isip.
Kung papipiliin man ako ng lugar
ng aking kapahingahan,
pipiliin kong manatili
sa iyong mga bisig.
Nais kong marinig muli
mula sa iyong labi
kung paano bumilang hanggang isandaan,
kung paano ko I-inglisin ang salitang “aso, pusa,kalabaw,kabayo, kambing at usa”
sapagkat sa ganitong paraan kita maaalala.
Kung papipiliin man ako ng lugar
ng aking kapahingahan,
pipiliin kong manatili
sa iyong mga bisig.
Nais kong hagkan ka nang mahigpit.
Gayong ito na ang huling sandaling
Ika’y aking masisilip.
“KANINA”
(Pag-asa)
ni Princess Calacala
Lagi kitang maaalala sa pulang bagay:
sa pulang panyo,
sa pulang bandera,
sa pulang kamiseta.
Lagi kitang maaalala sa pulang bagay;
Gaya ng pagpapaalala sa akin ng mga pulang guhit ng tinta
sa bawat salita na dapat itama,
sa bawat lukot na pahina
na iyong iniwan,
sa munting papel na minsan nating sinulatan
ng ating ipinaglalaban
Lagi kitang maaalala sa pulang bagay:
Gaya ng pagpapaalala sa akin
ng pulang marka
na iniwan mo sa aking puso,
kanina.
Ama Naman
(Pananampalataya)
Ama naman,
alam kong nasa bahay ka
Sinasamba ko ang ngalan mo
Napasailalim sa kapangyarihan mo,
sinunod ang loob mo
Dito sa bahay kahit pa nilalait.
Bigyan mo naman ako ngayon ng aking kalayaan sa araw-araw
At patawarin mo kung ako ay nagladlad,
Gaya ng pagpapatawad ko sa iyo nang ako’y binugbog mo
doon sa ating kuwarto
At huwag mo nang ipahintulot na ako’y matukso
At iadya mo ako na huwag nang masabihan ng masama.
Amen.
Aba Ginoo at Maria
Aba Gina at Maria,
Napupuna rin ba si Gracia?
Ang ilan ba’y taliwas sa inyo?
Binukod ba kayo sa kasarian ni Adan at Eba?
Kaya’t pinupulaan kayo ng anak ng iba?
Santa at Maria anak din kayo ng Diyos,
ipanalangin na lang ang sa inyo’y humuhusga,
ngayon hanggang sa sila’y mamatay.
Amen.
Tatlong Tula na lahok sa Saranggola Blog Awards

 

saranggola-336x280

Tula

Sa pagitan ng dawag na matinik at tarangkahan
Karunungan ng makata’y pakikipagbalagtasan
gunita’y nakalulan sa mahiwagang karanasan
Datapuwat kat’wiran kung ituring ang kahinaan,
Muli’t muli pang ginigising ng kabalintunaan
nabibikig sa sala-salabat na katotohanan
Wika ang naglululan patungo sa kahiwagahan
Upang hatulan magkabilang panig na lumalaban

Ng makabagong henerasyong kabataan ang tulong
hingal-kabayong pagtakbo upang maabot ang gusto
Di kaya’y tulad ni Ka Kiko,

makikipagtagpo

Still Sleeping Is The Black Nazarene

(Poem)

how many packs of cigarettes, lolo hugo,
do you have to sell through the day
to buy pancit guisado
in be ho’s restaurant
at the corner of elizondo
for your waiting grandchild
inside a kneeling praying shanty
on the shoulder of the murky estero?
could you not just take home
plenty of holy bread
from the altar of father san pedro
and soak in holy water your cold rice?
the food might taste like stewed lamb
in the mouth of your crying haggard wife.

still sleeping is the black nazarene
inside the glossy glass coffin.

even you walk on oftentimes, lolo hugo,
from the spouting mouth
of the streets of r. hidalgo
down to the pulsating breast
of bilibid viejo
your feet could not kick a peso
nor a bread from heaven falls
nor your hands
be wet with porridge
cigarettes of those addicted like you
yes, cigarettes, and…

View original post 388 more words

Sa Muli Kong Paggising

Malaya kong inaaninag ang langit, natutuwa akong pagmasdan ang mga bituin. Wala akong alam ni isa sa kanila, basta ang alam ko’y bituin sila tapos!

Noong mga sandaling iyo’y tila may biglang kumiliti sa kaibuturan ng aking puso. Noon ko lamang naramdaman ang ganoong klase pagkiliti. Para akong kinukuryente. May lumapit sa aking isang lalaki. Matangkad, mga 5’9 siguro ang taas, makapal ang buhok, malalago ang pilik, katamtaman ang taas ng ilong, kayumanggi kaligatan, malaki ang tiyan. Sabi ko sa isip ko,

“Ay, walang abs?”,pero ipinagpatuloy ko pa rin ang pagtitig sa kaniya.

Nahiga ako sa  ibabaw ng mga damo, malayang minamasdan ang kinang ng mga bituin sa langit. Sinaluhan niya ako sa aking ginagawa. Humiga rin siya. Napakabilis ng tibok ng aking puso noong mga sandaling iyon. Itinuro niya sa akin lahat ng nalalaman niyang pangalan ng bituin sa langit. Oo na lang ako nang oo noong mga sandaling iyon. Mas gusto kong pakinggan ang kaniyang boses kaysa makinig sa itinuturo niya sa akin. Wala akong pakialam sa pangalan ng mga itinuturo niya. Ang nais ko lamang malaman noon ay kung ano ang pangalan niya. Bigla na lamang kasi ang naging pagsulpot niya sa aking likuran.

Habang daldal siya nang daldal ay siya ko namang pagnanakaw ng tingin sa kaniya. Tila maningning na mga bituin ang kaniyang mga mata habang nagpapaliwanag sa aking harapan.

“Ang guwapo mo naman”, yan ang tanging naibulalas ko.

“Ano nga ulit, may sinasabi ka ba? pasensiya na hindi ko masyadong naintindihan”,

“Wala ,sabi ko ang galing mo naman, ang dami mong alam”

Hindi pala niya narinig ang sinabi ko. Panay bituin, panay bituin kasi ang paulit-ulit na binabanggit.

Natapos na siya sa kaniyang ipinapaliwanag. Muling tumahimik ang paligid. Tanging tibo lamang ng aking puso ang siya kong naririnig. Ang lakas, sobrang lakas. Bakit ganito? Hindi yata ito normal. Kinapa ko ang aking dibdib, pinakiramdaman ko subalit ayaw tumigil ng malakas na kabog.

Napatingin ako sa kanang bahagi ng aking puwesto, nakita ko siyang nagnanakaw ng tingin sa akin. Nagkatitigan kami. Halos limang segundo kaming nagkatitigan. Gusto kong ilapat ang aking mga labi sa mapupula niyang labi subalit may tinig na pumipigil sa akin. Nagkangitian kaming dalawa. Naglakas-loob na siyang putulin ang sandaling senaryo na nagpatahimik sa amin.

“Tara na, umuwi na tayo, malalim na ang gabi”, wika niya sa akin.

Inalalayan niya ako sa pagtayo. Sabay naming binagtas ang daan papalayo sa lugar na aming pinanggalingan. Nauuna ako ng kaunti sa paglalakad.

“Ay teka, nakakahiya mang tanungin perp ano nga pa lang pangalan mo?”,  paglalakas-loob kong tanong sa kaniya.

Isang minuto na yata ang lumipas subalit hindi pa siya sumasagot, paglingon ko sa aking likuran ay wala na siya.

“Saan kaya nagpunta ang taong iyon?, ni hindi man lang ako nakapagpakilala. Hindi ko rin naitanong ang pangalan noya. Hindi bale na nga, magkikita rin siguro kami.”

Umuwi ako sa aming tahanan bitbit ang nakakurbang linya sa aking mga labi.

Halos gabi-gabi’y nadadalas ang aking pagpaparoo’t parito sa lugar kung saan ko siya nakilala. Ganoon din siya. Tuwing gabi ay sinasamahan niya ako, nag-uusap kami, minsan nga’y inaabot pa hanggang magdamag. Madaldal din pala ang lalaking ito, hindi nauubusan ng kuwento.

Isang gabi, bago ako magpaalam sa kaniya’y biniro ko po siya ng ganito

“Oh matulog ka na, hindi ka mahal noon”

“Hindi mo ako mahal?”, tanong niya.

Bigla akong natigilan. Hindi ko alam kung namumula na ba ako nang mga sandaling iyon. Buti na lang at gabi na. Hindi masyadong halata ang pamumula ng aking mga pisngi.
Walang ano-ano’y sumagot ako ng katagang

“Mahal”

Ano nga ulit ‘yong sinabi mo?

“Sabi ko, Mahal kita”

“Mahal din kita, mukhang magiging masarap ang tulog ko nito ah”

Nagpaalam na kami sa isa’t isa. Hinatid niya ako hanggang sa tarangkahan ng aming bahay. Nagpaalam ako sa kaniya. Naisin ko man siyang hagkan ay hindi maaari. Hanggang titig na lamang ako sa papalayo niyang likuran.

Muli kong naramdaman ang bagay na una kong naramdaman noong gabing nakita ko siya. Subalit sa pagkakataong ito’y tila may gumugulo sa aking isipan. Tila may bumubulong sa akin na hindi na siya babalik. Tinakpan ko ang aking tainga, nagtatakbo papasok sa aking silid. Ayaw kong isipin na hindi ko na siya makikita. Ayaw kong isipin na hindi na siya babalik sa akin. Ngayong gabi ko napatunayan na totoo nga ang pagmamahal ko sa kaniya. Na ngayon na lamang ako ulit nakaramdaman ng ganito kaalab na pagmamahal. Umiiyak ako, apura ang hikbi. Hanggang sa nakatulog ako.

Naudlot ang aking kahibangan nang bigla akong gisingin ng aking ina. Ang malambing na haplos ng kamay ng aking ina ang gumising sa akin noong mga sandaling iyon.

“Gumising ka na anak, baka mahuhuli ka na sa eskuwela”

Nginitian ko lamang siya. Iniwan na niya ako sa aking silid.
Noon ko lamang napagtanto na panaginip lang pala ang lahat.
Natagpuan ko ang aking sarili na humihikbi pa rin. May mga luhang umaagos galing sa aking mga mata.

May isang lalaki akong nakilala mula sa aking panaginip. Sino kaya siya? Hindi ko naitanong ang kaniyang pangalan. Ito ang paulit-ulit na katanungang sumasagi sa aking isip.

Madali akong nagbihis. Kinuha ko ang aking diary, dinala ko sa paaralan. Tuwing may bakanteng oras ay isinusulat ko ang mga natatandaan kong pangyayari.
Sinabi ko sa aking sarili na

Sana sa aking paggising ay masilayan kitang muli. Sana sa muli kong paggising maging totoo na ang lahat. Sana sa muli kong paggising ay makita ka man lang sa totoong buhay–hindi lamang sa panaginip. Sana nga’y totoo ka. Gusto kitang  mahagkan at makilala nang lubusan. Gusto kong makasama kang abutin ang mga bituin, tuparin ang mga pangarap, pangingitiin natin si inang kalikasan. Saba’y nating haharapin ang bagong paraiso ng daigdig na tatahakin nating dalawa. Sana’y batid mo rin na nag-iwan ka nang napakalaking espasyo sa aking puso, ikaw lamang ang tanging makapupuno sa puwang na ito. Ikaw lamang ang tanging makabubuo sa damdamin kong ito. Nawa’y mabatid mo ang pag-ibig ko sa ‘yo.  Minahal kita umpisa pa lamang. Lahat ng sinabi at pinakita kong pang-unawa ay totoo. May sinseridad ang bawat  pagbitaw ko ng katagang “MAHAL KITA”. Sana’y nauunawaan mo ang isinisigaw nitong puso kong luhaan. Sana’y maramdaman at malaman mong ikaw pa rin ang kaniyang isinisigaw. Minsan nga’y natatawa ako sa aking sarili. Bakit nga ba ganito anh epekto mo sa akin gayong hindi pa naman talaga tayo nagkikita? Siguro nga’y may ganitong klase ng pag-ibig. Muli kong uulitin na maghihintay ako hanggang sa ika’y matagpuan ko sa mundong ito.
Sasambahin ko ang mga bituin sa langit magkita lamang tayong muli. At sana sa pagkakataong iyon ay hindi lamang sa panaginip kundi sa totoong buhay.

-Andromeda

Watch ““Slap her”: children’s reactions” on YouTube

“Slap her”: children’s reactions: http://youtu.be/b2OcKQ_mbiQ Kung panonoorin mo ng isang beses. Marahil ay matutuwa ka sa mga bata. Mapapangiti ka sapagkat hindi nila nagawang saktan ang magandang dalaga. Una sa lahat, nagiging factor ang ganda. Dahil babae ang kaharap nila. Nagpapakita lamang ito ng isang stereotype na pagtingin. Napaka-unfair ng pinanood mo na yan. Bakit? Kasi ganito. Sa usapin ng sekswalidad. Nasagasaan ang dalawang natitirang kasarian. Tanggapin man o hindi, kabilang na sila sa ating heograpiya. Palagi na lang ang usapin ng kababaihan at kalalakihan ang nangingibabaw. Bakit kaya iisa lang ang variable na ginamit nila? Di ba dapat dalawa? Isang pangit, isang maganda. O bakit kaya hindi nila sinubukang gawing instrumento ang tomboy at bakla? Para malaman natin kung sasampalin nga nila. Paano na lang halimbawa kung pangit ang nasa katayuan na yan. At ikaw ang lalaki. Sabihin na rin natin na itsura ng kinaiinisan mo ang nasa harapan mo, magbabago kaya ang tingin mo? Nag-trending yan. Ang daming magagandang komento. Hindi naman ako salungat dito.Kesyo ang sweet daw. Nice. Pero hindi ba nila naiisip na napakalaki ng dagok na kinakaharap ng ibang tao? “Hindi ka dapat saktan dahil babae ka”. Babae lang ba ang hindi dapat saktan? Paano naman ang iba? Tandaan na hindi tayo umiikot sa mundo na dalawang uri ng sekswalidad ang kasama. Sa pagkakataong ito, GUMAGAMIT SILA NG SINGLE STORY PARA LANG MABIGYAN NG KATEGORYA ANG GANIYANG KLASE NG KONSEPTO. MINSAN NAGMUMUKHA TAYONG KAWAWA AT KATAWA-TAWA SA HARAP NG MEDIA. NAGAGAWA NILA TAYONG PAGLARUAN. NAKAKAHON TAYO. HINDI MAKALABAS. HINDI KA NAMAN NILA PINUPWERSA NA MANOOD, PERO PINANONOOD MO. ANG TAWAG DUN AY (ISA) o Ideological State apparatus. Sa usapin ng ideolohiya, nakalulungkot isipin na talo ng mayaman ang mahirap. Talo ng mga makapangyarihan ang mahirap.Talo ng maganda ang pangit. Talo ng malandi ang maganda. Talo ng hipon ang mataba. Talo ng lalaki ang babae. Talo ng lalaki ang bakla. Talo ng tomboy ang mga babae vice versa. NAKAKALUNGKOT LANG ISIPIN, MAY NABUBURANG IDENTIDAD PARA LANG MAKAGAWA NG PANIBAGONG ESTRUKTURA. LAGI’T LAGI NA LANG SILANG NAKABATAY SA IISANG ITSURA O PAGKAKAKILANLAN NG ISANG TAO. BAGAY O KUNG ANUMAN ANG NAMAMAYAGPAG SA KASALUKUYAN. MALI ANG KANILANG KONSEPTO. MAGING TAYO. MALI. MALI ANG NAGIGING PANANAW  DAHIL NALALASON TAYO NG HINDI NAMAMALAYAN. IYON NGA UNG I.S.A kanina. Kinakailangang tiyakin na isa lamang itong posibilidad. Isang uri lamang para sa nakarari at hindi lang panlalahat. Akala kasi ng iba okay lang. Pero mali. Sa mga pelikula at kung ano pang telenobela, ginagawa lang nila ito dahil gusto nilang mapaganda ang istorya. Isang paglalagay ng sarili sa ganoong uri ng sitwasyon. Walang inaalalang masasagasaan. Ang tanging hinahangad ay salapi! Hindi ang maiangat ang karunungan ng mga nakakapanood. Ilan lamang ito sa obserbasyon ko. Minsa’y kailangan nating buksan ang mga mata para sa lahat. -Princess Calacala

KALUNGKUTAN

Nagmumuni-muni sa ilalim ng buwan habang tinatanaw ang mga TALA SA KARIMLAN.

GANITO KAMI NOON, PAANO KAYO NGAYON?

Dati sa halagang piso lang masaya na kami. Tuwing umaga kumakaripas kami sa pagtakbo papunta sa tindahan sabay sigaw ng “ALING INE! PAGBILAN NGA PO NG ICE CANDY”. Kapag hindi agad lumabas ang tindera’y humihiyaw ulit kami saka itutuktok ang piso sa dingding. Sasabihin ang katagang “PAGBILAN…PAGBILAAAAN!!!.”.
Lalabas si Aling Ine. May rollers pa sa buhok at sasabihing
“Ano ba ang bibilhin n’yo?”

“Isang ice candy po”,

“Ay sus, halagang piso lang pala ang bibilhin ang ingay pa!”.

Magtatawanan na lang kami. Tatakbo ulit. Hahanap ng dingding. Hahawakan ang ice candy saka pupukpukin sa dingding hanggang sa madurog. At ayan na. Tapos na. May flavor pang hollow blocks ang kakainin. Sarap lang. Habang sinisipsip ito’y sinasabayan naman namin ng pagsinghot ng uhog na tumutulo papunta sa aming bibig. Matapos noo’y magkakakantahan ang ibang kalaro gaya ng

” Bata batuta isang dakot ang muta. “.
Idagdag mo pa ang kantang

“SI ALENG NENA NAGNAKAW NG PINYA. NAHULI NG TINDERA PINASAYAW SIYA. TAAS, BABA. IGILING MO IGILING MO. IHATWA MO, IHATAW MO. IOTSO-OTSO MO”

Doon na magsisimula ang laro naming mga bata.
Naalala ko tuloy noon, kapag wala kang dalang pagkain hindi ka namin isasali. HETO NA.

Matapos ang gilingan at tudyuhan, darating ang isang batang bagong gising. May dala siyang tinapay. Pa-almusal ng nanay. Manlalaki ang mga mata naming magkaklaro.

“Uy si Linlin may tinapay, tara isali natin”

Dali-daling tatakbo si Linlin habang nakangiti.Mag-uusap kaming muli. Sasabihing

”Uy, isali natin siya, uutuin lang natin hihingi tayo ng tinapay. Kapag ubos na hindi na natin siya bati”

Magtatawanan kami sabay apir. Gagawing pamunas ng sipon ang mga sando namin.

At ayan na nga si Linlin. Palapit na sa amin

“Sali naman ako”, bungad niya.

“Sige ba. Basta ba patitikimin mo kami ng tinapay mo”.

“Oh heto na sa inyo na lang. Busog na ako. Tara laro na tayo”,

Syempre, dali-dali kaming mag-aagawan. Hanggang sa maubos. Minsan nga’y nagsuntukan pa yung dalawang magkapatid dahil mas malaki yung parte ng kuya niya.

Matapos ang panandaliang paghinto. Nagsimula na kaming maglaro. Ganado si Linlin. Pamaya-maya’y kumindat ang isa kong kasama. Hudya’t na para mapatalsik ang bagong salta. Kumanta na kami ng
“AYAWAN NA, HINDI NA MASAYA MAY PA-EPAL KASI HINDI NAMAN KASALI”.
SAKA KAMI MAGTATAWANAN.Iiyak si Linlin. Itotodo pa ang iyak hanggang sa marinig ng ina. Susugod ngayon sa amin, itatanong kung inano ang anak niya sabay sasabihing
“KAYO, BATI NIYO LANG ANG ANAK KO PAG MAY DALANG PAGKAIN. HALA LINLIN UWI SA ATIN AT DOON KA MAKIPAGLARO. HUWAG KA NA NGANG BABALIK DITO”.

Pero kinabukasan babalik pa rin.

Naalala ko naman noong naglalaro kami ng lutu-lutuan. Sa bandang likod kasi ay may parang sapa. Niloko namin yung isa. Sabi namin, “Bangbang, kailangan namin ng tubig, kuha ka sa balon, pag hindi ka kumuha wag ka na sasali kahit kailan”,. Syempre matatakot si Bangbang. Kukuha siya gamit ang lata ng sardinas. Pagdating niya sa amin nakangiti pa siya. Nagkakandatulo pa ang laway.

“Eto na oh”.

Kukuhanin naman namin saka tutubigan ang hinimay na dahon ng alugbati na tanim ng kapitbahay. Araw-araw kaming pinagagalitan noon dahil kami raw pala ang sumisira.

“AYAN, LUTO NA.”, SABI KO.

“OH Bangbang, tikman mo nga”,

“Ayaw ko nga”,

“Oo nga bangbang, pag di mo tinikman pwera ka na. Hindi ka namin bati”,.

Matatakot si Bangbang. Titikaman nga.

“Ang sarap. Matamis!”, ganoon daw ang lasa sabi niya.

“Ako rin patikhim,”, sabi ni Linlin.

“NAKU, HUWAG YAN ANG TIKMAN MO”, SASABIHIN NI BILLY.

“Bili ka ng yema kay Aling Conie”, utos ni Doris

Bibili si Bejay.

“Huli ka na lang ng langaw Linlin” sabi ni Doris. Bbigyan ka namin ng yema pagbalik ni Beejay.

Humuli nga ng langaw si uto. Sabay-sabay na bumalik lahat.

“Eto na ang langaw”, nakasupot pa. Sabi ni Linlin.

“Eto na yung yema. Enge ako”, sabi naman ni Beejay.

” Oh Linlin bibigyan ka namin ng langaw sa isang kondisyon”,

” Ano naman iyon?”,

“Kainin mo ang yema kasama ang langaw tapos sayo na lahat to.”

“Sus, iyon lang pala eh”,.

At kinain nga. Tawa kami ng tawa. Pagkatapos noon ay pupunta kami sa bukid. Bagong giik ang palay. Kukuha kami ng sako saka magsusuot ng pajama at pangginaw. Hala. Una-unahan sa giniikan saka magta-tumbling at bahay-bahayan.

Kinabukasan naman ay mapagdedesisyunang manghuli ng palaka. Ang pamain namin noon ay kuhol. Napakagaling kong dumakma. Ang lalagyan ko lang noon ay alambre. Kapag marami akong nahuhuli inaasar ako ng mga kasama ko. Sasabihing

“PALAKA, PALAKA, HUWAG KANG MAGPAHULI SA BATANG MAPANGHI”,

MABUBWISIT AKO AT UUWI.

Sa sumunod na araw naman ay maglalaro kami ng tagu-taguan. Napakalawak ng kabukiran. Kapag nataya ka, kawawa ka. Maghapon kang maghahahanap.

Pagtuntong ng tanghali tatawagin kami ng mga lola namin. Magpapabunot ng puting buhok. PISO ISA RAW. ABA’T NAKADALAWAMPU YATA AKO. NI PISO WALANG IBINIGAY SA AKIN. IIYAK AKO NANG IIYAK. SAKA SASABIHING.
“Apo matulog ka muna, pagkagising mo saka ko ibibigay”.

Dahil nga utu-uto. Maniniwala ako. Paggising ko walang bente. Hahaha.

Ilan lamang ito sa mga kalokohan namin noon. Kulang pa. Nakakatuwa naman. Tagtag ang katawan namin sa paglalaro ng tumbang preso,piko,luksong lubid at patintero. Nagpapasalamat ako dahil naranasan kong maging marusing at magkagalos dahil sa mga larong nagpasigla sa akin. Naranasang lumangoy sa ilog at paluin ng nanay dahil hindi nagpaalam. Bulugan daw akong tunay. Nakakatuwa lang na ang isang musmos, uhugin at madungis na bata noon ay tinatawanan na lang ang kanyang nakaraan. Heto’t nagku-kwento na ngayon. SALAMAT kasi kahit minsan ay naramdaman kong lumaya. Musmos ang isipan, walang pino-problema. Piso lang masaya. Eh ngayon? Kumusta na kaya sila?. Ganito kami noon. Paano kayo ngayon?.

BILIBID OR NOT

Kung sino pa ang mga mapagsamantala sila pa ang nagpapakasarap. Kinabog pa nila ang bahay namin ah. Matindi. Hindi ko naman yata matatanggap na walang kinalaman yung mga nagbabantay doon. Kasabwat ang mga ‘yon. Makakapagpuslit ba sila ng mga droga at mamahaling kagamitan basta-basta kung hindi sila nagbibigay ng pampadulas sa mga “NAGBABANTAY” kuno sa malapalasyong tahanang pinagluluklukan ng mga bilanggo?. Nakapulot ng hacienda sa bilibid!. Nakapulot ng paraiso sa bilibid.  Nakahanap ng palasyo sa bilibid. Magaling. Magaling. Magaling!.
Sampal iyon sa mukha ng mga driver na hindi naman talaga sinasadyang makapatay dahil nga aksidente. Isa pa. Sampal ulit iyon sa mukha nila dahil sila’y nakakulong kahit hindi sinasadya ang nangyari. Nagdurusa sila sa isang maiinit at masikip na selda, samantalang ang mga taong harap-harapang gumagawa ng katiwalian ay nagpapakasasa sa paraisong pinaliligiran ng magagandang kasangkapan. Bilibid nga. BILIBID OR NOT, WALA TAYONG MAGAGAWA. GANITO ANG SISTEMANG NAMAMAYAGPAG SA ATING LIPUNAN. ANG SAKIT SA PAKIRAMDAM. KAILAN KAYA  MATATAUHAN ANG MAY MATATAAS NA KATUNGKULAN? Siya nga pala, SALAMAT SA MATAPANG NA SI Ms. LEILA DE LIMA. 🙂 TULOY LANG PO.

“ESTRELIA”

Estrelyang marikit
Nakamasid sa kalawakan
Ningning ng polaris
Ang bumalot sa kadiliman
Abuhing ulap ang kumubli
At saka sumilip
Sa mapanglaw na mata ng daidig
Matamlay ang huni ng mga kuliglig
Tanging malakas noo’y kanilang hilik
Nasaan ang bisig
Na umaruga sa akin
Nasaan ang anino
Na gumabay sa dilim
Nasaan ang Adan
Na kumalinga’t nagpagaan
Nasaan ang tinig
Na nagpatahan sa alipin
Nasaan ang palad
Na gumamot sa sugat
Kumakatok sa kawalan
Ulap sa mata’y di mapigilan
Ilang buwan ang nakararaan
Subalit ang panimdim
Ay hindi matanggal
Sa pagsabog ng tala
Natupok ang pangarap
Nagliyab ang ulap
Nag-agaw ang liwanag at kadiliman
Kahel na silahis ng araw
Ang siyang lumilitaw
Bumalik sa balintataw
Pakla noong araw
Bubot na alaala
Kasimpait ng ampalaya
Hilaw na pangarap
Kasing asim ng dayap
Unti-unting nangalap
Nang manibalang na andap
Nitong hinog na pag-asa
Sa matamis na pagnanasa.
Lahat pala’y maglalaho
Sa isang kisapmata.
Naninimdim ang diwata
Tila isang ibong
Di makawala sa hawla
Bihag ng elehiya
Naisin mang tumaliwas
Nakakulong at naninigas
Sirkulasyon ng mantsa
Sa barong tangan niya
Laylayan ng bestida
Ay kailangang ikula
Upang ang basahang aba
Ay unti-unting pumula
Gamit ang bulang
Magtatanggal ng dungis
Sa mabahong panyolito
Na ginamit sa pagtangis
Kasama ang damit
Na sa karapata’y dumingis
Kailangan na ngang mapalis
Ang dagtang dumungis
Upang hawiin ang dilim na
Sa kanya’y bumigkis

WALANG KATAPUSANG BAKIT?

Naniniwala ka ba na lahat ng bagay na nangyayari sa iyo araw-araw ay isang problema?. Sobrang talino,problema yan. Sobrang shunga, problema yan.Sobrang ganda, problema din yan. Ang hirap kayang maging maganda. Sobrang pangit?, mas lalong problema yan!. Sobrang liit, laki, init, lamig, taas, problema yan!. Sobrang yaman?, naku problema rin yan. Kailan kaya ako hahantong sa punto na ito no? ‘Yong problemahin ang dami ng aking kayamanan?. Biro lang. Sabi sa akin ng isang manunulat na si Eros Atalia, lahat ng bagay sa mundo ay isang problema. Umiikot ang mundo kasama ang suliranin. Gumigising at natutulog tayo na may bitbit na pangitain. Naalala ko tuloy yung mga Badjao doon sa footbridge malapit sa eskwelahang pinapasukan ko. Malayo ang bahay namin sa paaralan kaya’t tumutuloy ako sa munting paupahan doon sa Malolos. Isang araw nagkaroon ako ng 4 hours vacant. Puyat kasi ako nung araw na ‘yon kaya sabi ko sa mga ka-tropa ko, matutulog muna ako. Mauuna na ako sa kanila. Tapos pagdating ko, nakatulog ako.  Alas dos pa yata ang simula ng klase namin no’n. Paggising ko 1:30 na. Nagkukumahog ako. Naghilamos, dali-daling nag-toothbrush. Nagsuklay at gumayak ng bonggang bongga. Madaling lumabas sa tarangkahan ng paupahan. Doon ako dumaan sa shortcut. Isang maliit na eskinita kung saan paglabas ko’y nasa tapat na ako ng Mcdo. Malapit na sa footbridge. Habang dumadaan ako sa tila mini forest na lugar na iyon nagulat ako sa mga tao na naroon. Katulad ng sinabi ko kanina. SOBRANG HIRAP, PROBLEMA YAN!. Habang dumadaan ako nakita ko na nagluluto sila gamit ang tatlong tungkong bato at nanlilimahid sa uling na kaldero. Sosyal pa ang mga ito. Nilagang buto-buto ang ulam. Habang natatanaw ko sila natatakot ako. Sabi ko sa sarili ko, ” Hala may Mangyan, may Mangyan! Naku may Mangyan”. Badjao pala sila.-.-. Habang papalapit ako nang papalapit biglang nagsalita yung isa. Hindi ko naintindihan yung sinabi. Ibang salita kasi. Sabi ko naman sa inyo kanina eh. Sobrang talino, problema yan. Natalo talaga ako nung Badjao doon. Hindi ko kayang sabihin ang salita na ‘yon.
”WFGSOGGDFFS EE” na lang ang gagamitin kong kataga. Nang marinig ko ‘yong sinabi niya napangiti ako. Tumango-tango. Naiintindihan ko naman siya na nagyayaya siyang saluhan ko silang kumain. Ang ginawa ko, inabutan ko na lang siya sila ng kaunting barya. Anong nais kong ipunto? Una sa lahat, napakaraming nagrereklamo sa atin. Bakit ganito?, bakit ganyan?, bakit si Anna may Iphone6, bakit si ganito ang ganda ng bahay samantalang kami’y nakatira malapit sa kanal?. Ang daming bakit. Sabi ko nga sa blog ko “WALANG KATAPUSANG BAKIT”. Hindi ba dapat magpasalamat pa tayo sa kung anong mayroon tayo?. Balik tayo sa mga Badjao na iyon. Batid ko na pinoproblema nila ang araw-araw na pangangailangan nila. Kung saan sila kukuha ng makakain, paano paiinumin ng gatas ang anak niyang maliit, saan sila maliligo, saan dudumi o kung saan matutulog. Samantalang ang mga naghaharing uri naman ay waldas dito, tapon doon. Kapag may lumalapit sa kanilang pulubi todo iwas. Bigyan man nila ng kaunting barya’y mailap pa ang kanilang kamay na dumampi sa nanlilimahid na palad ng naturang palaboy. Ang mundong ito ay puno ng problema. Maging ang sistema ng ating pamahalaan ay may problemang nakaakibat diyan. Mantakin mong aalisin ang asignaturang Filipino sa kolehiyo. Aba, problema yan. May isang kilalang reporter na nagsabing sa Japan na lang daw sana mapunta ang bagyo at huwag na sa atin, aba problema rin yan!.  Ang daming nakasuhan dahil sa pangangamkam ng salapi ng taumbayan aba talagang isang malaking problemang hindi dapat pinalalampas yan. BATASANG 5 pala ha. Sige. Tayo raw ang “BOSS” niya, aba problema yan. Mahirap umasa, mahirap masaktan. Mahirap mapako ang isang pangako. Tumatanda na yata tayong paurong. Nagmumurang kamyas sila Manong.
Walang katapusang bakit diba? Walang katapusan din ata itong isinusulat ko. Nais ko lamang namang bigyan ng munting ebalwasyon ang nakikita ko sa paligid. Nagkaroon tuloy ako ng tanong sa sarili ko. Paano kaya ang pag-iibigan ng mga Badjao sa lansangan? Paano sila naliligo, saan dumudumi. Kung ako ang nasa sitwasyon nila parang ang hirap diba?. Kasinghirap ng pagpapaliwanag kung bakit ang daming korap sa lipunan. Kung bakit lustay dito lustay doon ang peg nila sa buhay. Ang mangako ng pabalang na hanggang ngayon ay hindi natin nararamdaman. Napako na nga yata tulad ng kaso ng mga nagnakaw sa ating bayan. Nakakalungkot hindi na sila trending. Na-pulis na kasi.
Bilang pagtatapos, isa lang naman ang nais ko, ang nais nating lahat. Ang magkaroon nang maayos na buhay. Kung paano natin kakaharapin ang mga unos na dumaraan sa buhay. Kung paano babangon sa nagdaang trahedya kamakalawa.Problema lang daw yan ika ng iba. “TAPAK LANG NANG TAPAK”. Pilipino ka at alam kong hindi naaalis ang ngiti sa labi mo kahit namomroblema ka. Sanay na tayo diyan. HUWAG NA HUWAG LANG TAYONG MAKALILIMOT NA TUMAWAG SA ITAAS. MALAWAK ANG LANGIT PARA SA ATING LAHAT.

PS:Binasa mo ito? PROBLEMA YAN! HINDI MO BINASA?PROBLEMA Yan. Napakahaba nito. Problema ko na yan.Hindi biro ang magsulat. HAHA

Previous Older Entries