KALUNGKUTAN

Nagmumuni-muni sa ilalim ng buwan habang tinatanaw ang mga TALA SA KARIMLAN.

GANITO KAMI NOON, PAANO KAYO NGAYON?

Dati sa halagang piso lang masaya na kami. Tuwing umaga kumakaripas kami sa pagtakbo papunta sa tindahan sabay sigaw ng “ALING INE! PAGBILAN NGA PO NG ICE CANDY”. Kapag hindi agad lumabas ang tindera’y humihiyaw ulit kami saka itutuktok ang piso sa dingding. Sasabihin ang katagang “PAGBILAN…PAGBILAAAAN!!!.”.
Lalabas si Aling Ine. May rollers pa sa buhok at sasabihing
“Ano ba ang bibilhin n’yo?”

“Isang ice candy po”,

“Ay sus, halagang piso lang pala ang bibilhin ang ingay pa!”.

Magtatawanan na lang kami. Tatakbo ulit. Hahanap ng dingding. Hahawakan ang ice candy saka pupukpukin sa dingding hanggang sa madurog. At ayan na. Tapos na. May flavor pang hollow blocks ang kakainin. Sarap lang. Habang sinisipsip ito’y sinasabayan naman namin ng pagsinghot ng uhog na tumutulo papunta sa aming bibig. Matapos noo’y magkakakantahan ang ibang kalaro gaya ng

” Bata batuta isang dakot ang muta. “.
Idagdag mo pa ang kantang

“SI ALENG NENA NAGNAKAW NG PINYA. NAHULI NG TINDERA PINASAYAW SIYA. TAAS, BABA. IGILING MO IGILING MO. IHATWA MO, IHATAW MO. IOTSO-OTSO MO”

Doon na magsisimula ang laro naming mga bata.
Naalala ko tuloy noon, kapag wala kang dalang pagkain hindi ka namin isasali. HETO NA.

Matapos ang gilingan at tudyuhan, darating ang isang batang bagong gising. May dala siyang tinapay. Pa-almusal ng nanay. Manlalaki ang mga mata naming magkaklaro.

“Uy si Linlin may tinapay, tara isali natin”

Dali-daling tatakbo si Linlin habang nakangiti.Mag-uusap kaming muli. Sasabihing

”Uy, isali natin siya, uutuin lang natin hihingi tayo ng tinapay. Kapag ubos na hindi na natin siya bati”

Magtatawanan kami sabay apir. Gagawing pamunas ng sipon ang mga sando namin.

At ayan na nga si Linlin. Palapit na sa amin

“Sali naman ako”, bungad niya.

“Sige ba. Basta ba patitikimin mo kami ng tinapay mo”.

“Oh heto na sa inyo na lang. Busog na ako. Tara laro na tayo”,

Syempre, dali-dali kaming mag-aagawan. Hanggang sa maubos. Minsan nga’y nagsuntukan pa yung dalawang magkapatid dahil mas malaki yung parte ng kuya niya.

Matapos ang panandaliang paghinto. Nagsimula na kaming maglaro. Ganado si Linlin. Pamaya-maya’y kumindat ang isa kong kasama. Hudya’t na para mapatalsik ang bagong salta. Kumanta na kami ng
“AYAWAN NA, HINDI NA MASAYA MAY PA-EPAL KASI HINDI NAMAN KASALI”.
SAKA KAMI MAGTATAWANAN.Iiyak si Linlin. Itotodo pa ang iyak hanggang sa marinig ng ina. Susugod ngayon sa amin, itatanong kung inano ang anak niya sabay sasabihing
“KAYO, BATI NIYO LANG ANG ANAK KO PAG MAY DALANG PAGKAIN. HALA LINLIN UWI SA ATIN AT DOON KA MAKIPAGLARO. HUWAG KA NA NGANG BABALIK DITO”.

Pero kinabukasan babalik pa rin.

Naalala ko naman noong naglalaro kami ng lutu-lutuan. Sa bandang likod kasi ay may parang sapa. Niloko namin yung isa. Sabi namin, “Bangbang, kailangan namin ng tubig, kuha ka sa balon, pag hindi ka kumuha wag ka na sasali kahit kailan”,. Syempre matatakot si Bangbang. Kukuha siya gamit ang lata ng sardinas. Pagdating niya sa amin nakangiti pa siya. Nagkakandatulo pa ang laway.

“Eto na oh”.

Kukuhanin naman namin saka tutubigan ang hinimay na dahon ng alugbati na tanim ng kapitbahay. Araw-araw kaming pinagagalitan noon dahil kami raw pala ang sumisira.

“AYAN, LUTO NA.”, SABI KO.

“OH Bangbang, tikman mo nga”,

“Ayaw ko nga”,

“Oo nga bangbang, pag di mo tinikman pwera ka na. Hindi ka namin bati”,.

Matatakot si Bangbang. Titikaman nga.

“Ang sarap. Matamis!”, ganoon daw ang lasa sabi niya.

“Ako rin patikhim,”, sabi ni Linlin.

“NAKU, HUWAG YAN ANG TIKMAN MO”, SASABIHIN NI BILLY.

“Bili ka ng yema kay Aling Conie”, utos ni Doris

Bibili si Bejay.

“Huli ka na lang ng langaw Linlin” sabi ni Doris. Bbigyan ka namin ng yema pagbalik ni Beejay.

Humuli nga ng langaw si uto. Sabay-sabay na bumalik lahat.

“Eto na ang langaw”, nakasupot pa. Sabi ni Linlin.

“Eto na yung yema. Enge ako”, sabi naman ni Beejay.

” Oh Linlin bibigyan ka namin ng langaw sa isang kondisyon”,

” Ano naman iyon?”,

“Kainin mo ang yema kasama ang langaw tapos sayo na lahat to.”

“Sus, iyon lang pala eh”,.

At kinain nga. Tawa kami ng tawa. Pagkatapos noon ay pupunta kami sa bukid. Bagong giik ang palay. Kukuha kami ng sako saka magsusuot ng pajama at pangginaw. Hala. Una-unahan sa giniikan saka magta-tumbling at bahay-bahayan.

Kinabukasan naman ay mapagdedesisyunang manghuli ng palaka. Ang pamain namin noon ay kuhol. Napakagaling kong dumakma. Ang lalagyan ko lang noon ay alambre. Kapag marami akong nahuhuli inaasar ako ng mga kasama ko. Sasabihing

“PALAKA, PALAKA, HUWAG KANG MAGPAHULI SA BATANG MAPANGHI”,

MABUBWISIT AKO AT UUWI.

Sa sumunod na araw naman ay maglalaro kami ng tagu-taguan. Napakalawak ng kabukiran. Kapag nataya ka, kawawa ka. Maghapon kang maghahahanap.

Pagtuntong ng tanghali tatawagin kami ng mga lola namin. Magpapabunot ng puting buhok. PISO ISA RAW. ABA’T NAKADALAWAMPU YATA AKO. NI PISO WALANG IBINIGAY SA AKIN. IIYAK AKO NANG IIYAK. SAKA SASABIHING.
“Apo matulog ka muna, pagkagising mo saka ko ibibigay”.

Dahil nga utu-uto. Maniniwala ako. Paggising ko walang bente. Hahaha.

Ilan lamang ito sa mga kalokohan namin noon. Kulang pa. Nakakatuwa naman. Tagtag ang katawan namin sa paglalaro ng tumbang preso,piko,luksong lubid at patintero. Nagpapasalamat ako dahil naranasan kong maging marusing at magkagalos dahil sa mga larong nagpasigla sa akin. Naranasang lumangoy sa ilog at paluin ng nanay dahil hindi nagpaalam. Bulugan daw akong tunay. Nakakatuwa lang na ang isang musmos, uhugin at madungis na bata noon ay tinatawanan na lang ang kanyang nakaraan. Heto’t nagku-kwento na ngayon. SALAMAT kasi kahit minsan ay naramdaman kong lumaya. Musmos ang isipan, walang pino-problema. Piso lang masaya. Eh ngayon? Kumusta na kaya sila?. Ganito kami noon. Paano kayo ngayon?.

BILIBID OR NOT

Kung sino pa ang mga mapagsamantala sila pa ang nagpapakasarap. Kinabog pa nila ang bahay namin ah. Matindi. Hindi ko naman yata matatanggap na walang kinalaman yung mga nagbabantay doon. Kasabwat ang mga ‘yon. Makakapagpuslit ba sila ng mga droga at mamahaling kagamitan basta-basta kung hindi sila nagbibigay ng pampadulas sa mga “NAGBABANTAY” kuno sa malapalasyong tahanang pinagluluklukan ng mga bilanggo?. Nakapulot ng hacienda sa bilibid!. Nakapulot ng paraiso sa bilibid.  Nakahanap ng palasyo sa bilibid. Magaling. Magaling. Magaling!.
Sampal iyon sa mukha ng mga driver na hindi naman talaga sinasadyang makapatay dahil nga aksidente. Isa pa. Sampal ulit iyon sa mukha nila dahil sila’y nakakulong kahit hindi sinasadya ang nangyari. Nagdurusa sila sa isang maiinit at masikip na selda, samantalang ang mga taong harap-harapang gumagawa ng katiwalian ay nagpapakasasa sa paraisong pinaliligiran ng magagandang kasangkapan. Bilibid nga. BILIBID OR NOT, WALA TAYONG MAGAGAWA. GANITO ANG SISTEMANG NAMAMAYAGPAG SA ATING LIPUNAN. ANG SAKIT SA PAKIRAMDAM. KAILAN KAYA  MATATAUHAN ANG MAY MATATAAS NA KATUNGKULAN? Siya nga pala, SALAMAT SA MATAPANG NA SI Ms. LEILA DE LIMA. 🙂 TULOY LANG PO.

“ESTRELIA”

Estrelyang marikit
Nakamasid sa kalawakan
Ningning ng polaris
Ang bumalot sa kadiliman
Abuhing ulap ang kumubli
At saka sumilip
Sa mapanglaw na mata ng daidig
Matamlay ang huni ng mga kuliglig
Tanging malakas noo’y kanilang hilik
Nasaan ang bisig
Na umaruga sa akin
Nasaan ang anino
Na gumabay sa dilim
Nasaan ang Adan
Na kumalinga’t nagpagaan
Nasaan ang tinig
Na nagpatahan sa alipin
Nasaan ang palad
Na gumamot sa sugat
Kumakatok sa kawalan
Ulap sa mata’y di mapigilan
Ilang buwan ang nakararaan
Subalit ang panimdim
Ay hindi matanggal
Sa pagsabog ng tala
Natupok ang pangarap
Nagliyab ang ulap
Nag-agaw ang liwanag at kadiliman
Kahel na silahis ng araw
Ang siyang lumilitaw
Bumalik sa balintataw
Pakla noong araw
Bubot na alaala
Kasimpait ng ampalaya
Hilaw na pangarap
Kasing asim ng dayap
Unti-unting nangalap
Nang manibalang na andap
Nitong hinog na pag-asa
Sa matamis na pagnanasa.
Lahat pala’y maglalaho
Sa isang kisapmata.
Naninimdim ang diwata
Tila isang ibong
Di makawala sa hawla
Bihag ng elehiya
Naisin mang tumaliwas
Nakakulong at naninigas
Sirkulasyon ng mantsa
Sa barong tangan niya
Laylayan ng bestida
Ay kailangang ikula
Upang ang basahang aba
Ay unti-unting pumula
Gamit ang bulang
Magtatanggal ng dungis
Sa mabahong panyolito
Na ginamit sa pagtangis
Kasama ang damit
Na sa karapata’y dumingis
Kailangan na ngang mapalis
Ang dagtang dumungis
Upang hawiin ang dilim na
Sa kanya’y bumigkis

WALANG KATAPUSANG BAKIT?

Naniniwala ka ba na lahat ng bagay na nangyayari sa iyo araw-araw ay isang problema?. Sobrang talino,problema yan. Sobrang shunga, problema yan.Sobrang ganda, problema din yan. Ang hirap kayang maging maganda. Sobrang pangit?, mas lalong problema yan!. Sobrang liit, laki, init, lamig, taas, problema yan!. Sobrang yaman?, naku problema rin yan. Kailan kaya ako hahantong sa punto na ito no? ‘Yong problemahin ang dami ng aking kayamanan?. Biro lang. Sabi sa akin ng isang manunulat na si Eros Atalia, lahat ng bagay sa mundo ay isang problema. Umiikot ang mundo kasama ang suliranin. Gumigising at natutulog tayo na may bitbit na pangitain. Naalala ko tuloy yung mga Badjao doon sa footbridge malapit sa eskwelahang pinapasukan ko. Malayo ang bahay namin sa paaralan kaya’t tumutuloy ako sa munting paupahan doon sa Malolos. Isang araw nagkaroon ako ng 4 hours vacant. Puyat kasi ako nung araw na ‘yon kaya sabi ko sa mga ka-tropa ko, matutulog muna ako. Mauuna na ako sa kanila. Tapos pagdating ko, nakatulog ako.  Alas dos pa yata ang simula ng klase namin no’n. Paggising ko 1:30 na. Nagkukumahog ako. Naghilamos, dali-daling nag-toothbrush. Nagsuklay at gumayak ng bonggang bongga. Madaling lumabas sa tarangkahan ng paupahan. Doon ako dumaan sa shortcut. Isang maliit na eskinita kung saan paglabas ko’y nasa tapat na ako ng Mcdo. Malapit na sa footbridge. Habang dumadaan ako sa tila mini forest na lugar na iyon nagulat ako sa mga tao na naroon. Katulad ng sinabi ko kanina. SOBRANG HIRAP, PROBLEMA YAN!. Habang dumadaan ako nakita ko na nagluluto sila gamit ang tatlong tungkong bato at nanlilimahid sa uling na kaldero. Sosyal pa ang mga ito. Nilagang buto-buto ang ulam. Habang natatanaw ko sila natatakot ako. Sabi ko sa sarili ko, ” Hala may Mangyan, may Mangyan! Naku may Mangyan”. Badjao pala sila.-.-. Habang papalapit ako nang papalapit biglang nagsalita yung isa. Hindi ko naintindihan yung sinabi. Ibang salita kasi. Sabi ko naman sa inyo kanina eh. Sobrang talino, problema yan. Natalo talaga ako nung Badjao doon. Hindi ko kayang sabihin ang salita na ‘yon.
”WFGSOGGDFFS EE” na lang ang gagamitin kong kataga. Nang marinig ko ‘yong sinabi niya napangiti ako. Tumango-tango. Naiintindihan ko naman siya na nagyayaya siyang saluhan ko silang kumain. Ang ginawa ko, inabutan ko na lang siya sila ng kaunting barya. Anong nais kong ipunto? Una sa lahat, napakaraming nagrereklamo sa atin. Bakit ganito?, bakit ganyan?, bakit si Anna may Iphone6, bakit si ganito ang ganda ng bahay samantalang kami’y nakatira malapit sa kanal?. Ang daming bakit. Sabi ko nga sa blog ko “WALANG KATAPUSANG BAKIT”. Hindi ba dapat magpasalamat pa tayo sa kung anong mayroon tayo?. Balik tayo sa mga Badjao na iyon. Batid ko na pinoproblema nila ang araw-araw na pangangailangan nila. Kung saan sila kukuha ng makakain, paano paiinumin ng gatas ang anak niyang maliit, saan sila maliligo, saan dudumi o kung saan matutulog. Samantalang ang mga naghaharing uri naman ay waldas dito, tapon doon. Kapag may lumalapit sa kanilang pulubi todo iwas. Bigyan man nila ng kaunting barya’y mailap pa ang kanilang kamay na dumampi sa nanlilimahid na palad ng naturang palaboy. Ang mundong ito ay puno ng problema. Maging ang sistema ng ating pamahalaan ay may problemang nakaakibat diyan. Mantakin mong aalisin ang asignaturang Filipino sa kolehiyo. Aba, problema yan. May isang kilalang reporter na nagsabing sa Japan na lang daw sana mapunta ang bagyo at huwag na sa atin, aba problema rin yan!.  Ang daming nakasuhan dahil sa pangangamkam ng salapi ng taumbayan aba talagang isang malaking problemang hindi dapat pinalalampas yan. BATASANG 5 pala ha. Sige. Tayo raw ang “BOSS” niya, aba problema yan. Mahirap umasa, mahirap masaktan. Mahirap mapako ang isang pangako. Tumatanda na yata tayong paurong. Nagmumurang kamyas sila Manong.
Walang katapusang bakit diba? Walang katapusan din ata itong isinusulat ko. Nais ko lamang namang bigyan ng munting ebalwasyon ang nakikita ko sa paligid. Nagkaroon tuloy ako ng tanong sa sarili ko. Paano kaya ang pag-iibigan ng mga Badjao sa lansangan? Paano sila naliligo, saan dumudumi. Kung ako ang nasa sitwasyon nila parang ang hirap diba?. Kasinghirap ng pagpapaliwanag kung bakit ang daming korap sa lipunan. Kung bakit lustay dito lustay doon ang peg nila sa buhay. Ang mangako ng pabalang na hanggang ngayon ay hindi natin nararamdaman. Napako na nga yata tulad ng kaso ng mga nagnakaw sa ating bayan. Nakakalungkot hindi na sila trending. Na-pulis na kasi.
Bilang pagtatapos, isa lang naman ang nais ko, ang nais nating lahat. Ang magkaroon nang maayos na buhay. Kung paano natin kakaharapin ang mga unos na dumaraan sa buhay. Kung paano babangon sa nagdaang trahedya kamakalawa.Problema lang daw yan ika ng iba. “TAPAK LANG NANG TAPAK”. Pilipino ka at alam kong hindi naaalis ang ngiti sa labi mo kahit namomroblema ka. Sanay na tayo diyan. HUWAG NA HUWAG LANG TAYONG MAKALILIMOT NA TUMAWAG SA ITAAS. MALAWAK ANG LANGIT PARA SA ATING LAHAT.

PS:Binasa mo ito? PROBLEMA YAN! HINDI MO BINASA?PROBLEMA Yan. Napakahaba nito. Problema ko na yan.Hindi biro ang magsulat. HAHA

Ang Pagsuko Ng Bataan

Nagpatangay sa kalaban
Isinuko pati bayan
Hindi ngayon mapatahan
Nilisan ang kabayanan

Sa amin ‘di kumunsulta
Takot raw siyang mapuna
Kaya’t inuna ang pita
Nang ‘di mapundi, bumbilya

Si Sisa ay nananaghoy
Saan daw naro’n si bunso’y?
Baka kinuha ni Intoy
Ginawang alas sa pusoy

Ipinatawag ang tanod
At nag-utos nang malugod
Mayroon daw inaanod
Sa ilog ng malalantod

Binagtas nila ang ilog
Wala maski ang anino
Bakit kami niloloko?
‘Di biro ang magtatakbo

Pag-uwi sa barung-barong
Si Inday ay naroon
Niyapos ang Panginoon
At sumuko nang malaon

Mata sa Langit, Paa sa Lupa

I
Tuhod na puno ng barya
Animo’y alkansiya
Hayun siya’t patawa-tawa
Tangan ang lata at goma
II
Nagtungo sa plaza
Nakatilanod pala sa maskara
Hindi napigil ang paa
Nagtatakbo palapit sa mesa
III
Nagpaturong kumanta
Sinabayang umawit ang Ibong Adarna
Naging mahusay na dalaga
Kinalimutan ang bitbit na lata
IV
Nasilaw sa papuri’t palakpak
Hindi inasahan ang paglagapak
Sabi ko’y ingatan ang pakpak
Dahil masakit ang pagbagsak
V
Mata sa langit, paa sa lupa
Kinalimutan kasi ni Inda
Kaya’t napunta sa kalsada
Tangan ang lata at sangkaterbang goma

BATO-BATO-PIK

I
Lata at bato
Bumuo sa ‘king mundo
Humalakhak ma’t nabigo
BINGO pa rin ang hiyaw ko
II
Salat sa karangyaan
Walang hawak na gandam
Subalit kami’y mga langgam
Hawak-hawak ang kayamanan
III
Papel,gunting,bato
Isali naman ako
Gusto kong makita ninyo
Ang husay ko sa pagbato
IV
Damputin ang tsinelas
Sa kalaba’y ihampas
Kalaban mong ungas
Paniguradong aatras
V
Kuhanin niyo ang lubid
Hawaka’t paikutin
Palundagin si Kathryn
Hindi pa uso noon ang “selfie queen”
VI
Bola’y patalbugin
Sa ulo ni Daniel patamain
Hayaang magising
Nang sa pagkanta’y gumaling
VII
Si Nena’y gawing baka
At saka paluksuhan kay Kendra
Upang kanilang makita
Ang ganda ng sining noong dekada nobenta

TINTA

I
Sa talas ng tabak, utak mo’y nawasak
Paano aakyat sa bundok ng Samat?
Ika’y kinakagat ng utak mong pahat
Pluma ang nagligtas ‘wag kang magmataas!
II
Letrang dikit-dikit sa ati’y nasulit
Tinta ang ginamit laya ang nakamit
Linyang may hagupit tunay na malupit
Ngiti ng balana’y abot hanggang langit
III
Nagpapasalamat sa iyo Ginoo
Kami’y iginiya sa ganda ng mundo
Ikaw ang saklolo, ‘di kami binigo
Salakot ko’y heto, saludo sa iyo
IV
Nagmula sa papel, kinasa ang baril
Sila ang suwail!, ‘di ang paring martir
Tiyan nilang bilog dapat pinasabog
Hindi dapat likod ng aming Ginoo
V
Ang mundo’y minahan ng katotohanan
Ito’y nasaksihan naming mamamayan
‘Di pinabayaan ating kapakanan
Ikaw nga’y bayani nitong ating bayan

MAESTRA

Jenyang tagapanday ng isipang salat

Ebidensya’y sapat, maraming salamat

Ngayo’y hinuhukay, isip binubuhay

Naliliwanagan, natuto sa gabay

Yaman kong ituring tiyaga mo sa ‘kin

Lente sa madilim,gayundin sa lalim

Inaaruga rin akdang alanganin

Nais kong ihandog palakpak at ngiti

At nang marinig din ang aking papuri

Ramdam ko ang bigat, ngunit di nagluwat

Estrangherang HENYA ang naging katapat

Salamat maestra puso ko’y nagtapat

Salamat po Ma’am Jenny Linares. As in super duper ultra mega thank you po. Hehehe.

Previous Older Entries